
Ang Diyos ay totoo. Ang Diyos ay mas matalino at mas malakas kaysa sa sinumang tao.
Ang Diyos ay may kakayahan. Ang Diyos ay liwanag. Ang Diyos ay pag-ibig.
Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa; Genesis 1:1, MBBTAG

Nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, ang unang lalaki at babae. Sila ay perpekto sa katawan at kakayahan. Nilikha sila ng Diyos upang mahalin at tulungan ang isa’t isa bilang mag-asawa at maging unang pamilya sa mundo kung saan magmumula ang lahat ng tao.
Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw. Génesis 1:31

Sina Adan at Eba ay nanirahan sa isang mundong walang takot at sagana sa masarap na pagkain, malinis na tubig, at kapayapaan. Minahal ng Diyos sina Adan at Eba at ninais Niya na Siya ay kanilang mahalin, sambahin, at sundin. Gayunpaman, binigyan ng Diyos sina Adan at Eba ng kalayaang gumawa ng sarili nilang mga desisyon.
Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.” Genesis 2:16-17
Si Satanas, na isang sinungaling at kaaway ng lahat ng kabutihan na nilikha ng Diyos, ay tinukso si Eba na pagdudahan ang salita at pag-ibig ng Diyos. Pinili nina Adan at Eba na sumuway.
Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya’t nagtago sila sa mga puno. Genesis 3:8
Ang pagsuway ni Adan ay nagdala ng sumpa ng kasalanan sa mundo. Ang sumpa ng kasalanan ang dahilan kung bakit hindi na napakaganda ng mundo na nilikha ng Diyos at bakit may sakit, galit, pananakit at kamatayan. Kinailangang lisanin nina Adan at Eba ang magandang hardin dahil sa kanilang kasalanan.
Ang kasalanan ay naghihiwalay rin sa iyo mula sa Diyos!
Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita, at hindi niya kayo marinig. Isaias 59:2

Dahil pinili nina Adan at Eva na magkasala, ang pagiging makasalanan ay namana na ng bawat tao, kabilang ka. Ipinanganak ka na may makasalanang pagnanais na mag-isip, magsalita, at gumawa ng mga bagay ayon sa sarili mong kagustuhan sa halip na sundin ang perpektong paraan ng Diyos. Dahil ang Diyos ay ganap na mabuti, totoo, at matuwid, hindi Niya maaaring tanggapin ang kasalanan. Ang kaparusahan para sa buhay na may kasalanang hindi napatawad ay pagkakahiwalay sa Diyos at walang hanggang kaparusahan.
sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Roma 3:23

Dahil ang kaparusahan para sa kasalanan ay maaari lamang mabayaran sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ng isang buhay na walang kasalanan, alam ng Diyos na Siya lamang ang makapagpapalaya sa iyo mula sa sumpa ng kasalanan. Dahil dito, naglaan ang Diyos ng paraan upang mapatawad ang iyong mga kasalanan.
Ayon sa Kautusan, halos halat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan. Mga Hebreo 9:22
Ang Diyos ay nagpadala ng isang Tagapagligtas para sa iyo. Ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak, ang Panginoong Jesu-Cristo, sa mundo upang Siya ay himalang ipanganak ng isang birhen na nagngangalang Maria. Nang ipanganak ang sanggol na si Jesus, isang anghel na isinugo mula sa Langit ang nagpahayag:
Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. Lucas 2:10-11

Noong bata pa si Jesus, Siya at nakinig, nagtanong, at namangha ang maraming tao sa Kanyang mga sagot.
Nang Siya ay lumaki na, gumawa si Jesus ng maraming himala, nagpakita ng malaking habag, pumili at nagsanay ng mga alagad, at nagturo sa marami tungkol sa Kanyang Ama, ang Diyos.
Sa buong buhay Niya, hindi kailanman nagkasala si Jesus—sa Kanyang mga iniisip, sa Kanyang mga salita, o sa Kanyang mga gawa.
At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Mateo 3:17

Dumating ang oras upang ialay ni Jesus ang Kanyang buhay at ibuhos ang Kanyang dugo bilang kabayaran sa kasalanan. Kusang-loob Niyang hinayaan ang masasamang taong tumangging kilalanin Siya bilang Diyos na Anak na hulihin Siya, kutyain, at ipako sa krus kung saan Siya nagdusa at namatay.
Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa. Roma 5:8

Si Jesus ay inilibing, ngunit pagkalipas ng tatlong araw, Siya ay muling nabuhay. Maraming tao ang nakakita sa Kanya bago Siya lumisan sa mundo upang bumalik sa Kanyang tahanan sa Langit.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; 1 Corinto 15:3-4
Dahil sa ginawa ni Jesu-Cristo, maaari kang mapatawad sa iyong mga kasalanan.
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Juan 3:16

Ang pananalig kay Jesu-Cristo ay nangangahulugang pagtanggap sa ginawa Niya para sa iyo sa krus bilang regalo ng Diyos sa pamamagitan ng:
- Pag-amin na ikaw ay makasalanan at kailangan mo ng kapatawaran,
- Paniniwala na si Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ay namatay sa krus para pasanin ang parusa ng iyong kasalangn at muling nabuhay makalipas ng tatlong araw, at
- Pananalangin sa Diyos na patawarin ang iyong mga kasalanan dahil sa ginawa ni Jesu-Cristo para sa iyo.
Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Juan 1:12

Kapag nagtiwala ka kay Jesu-Cristo, patatawarin ng Diyos ang iyong mga kasalanan, ipapadala Niya ang Kanyang Espiritu upang manahan sa iyo magpakailanman, at tutulungan ka Niya na mabuhay sa paraang nagpaparangal sa Kanya. Magkakaroon ka ng karapatang tawaging anak ng Diyos, at ipinapangako ng Diyos na hindi ka Niya kailanman iiwan. Kapag natapos na ang buhay mo sa mundo at namatay na ang iyong katawan, pupunta ka sa tahanan ng Diyos sa Langit upang makasama Siya magpakailanman nang may kagalakan at kapayapaan.
… Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Mga Hebreo 13:5

Naniniwala ka na ba kay Jesu-Cristo? Napatawad na ba ang iyong mga kasalanan? Kung hindi pa, maaari kang maniwala kay Jesu-Cristo ngayon sa pamamagitan ng pagsasabi sa Diyos ngayon na: (1) inaamin mo na ikaw ay makasalanan, (2) naniniwala kang namatay si Jesus upang akuin ang parusa sa iyong mga kasalanan, at (3) gusto mong matanggap ang kapatawaran ng Diyos dahil sa ginawa ni Jesus para sa iyo. Narito ang halimbawa ng maaari mong sabihin sa Diyos:
Mahal kong Diyos, alam ko na ako ay may makasalanang puso at pinipili kong gawin ang bagay sa aking paraan kaysa sa Iyong perpektong paraan. Naniniwala ako na namatay si Jesu-Kristo sa krus upang akuin ang parusa sa aking kasalanan at muling nabuhay. Dahil kinuha ni Jesu-Kristo ang parusa ng aking kasalanan, pinapakiusap ko na patawarin Mo ako at gawing matuwid sa Iyong harapan. Salamat, Diyos, sa pagpapatawad Mo sa akin at sa pagpapahintulot sa akin na matawag na Iyong anak. Ipinapanalangin ko ito sa ngalan ni Jesu-Kristo. Amen.
At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ Mga Gawa 2:21

Kung naniniwala ka kay Jesu-cristo at isa ka na sa mga anak ng Diyos, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na! Dahil hindi ka perpekto tulad ni Jesu-Cristo, patuloy ka pa ring makakagawa ng mga maling desisyon at magkakasala. Kapag napagtanto mo na nagkasala ka, ipinapangako ng Diyos na patatawarin ka Niya kapag inamin mo sa Diyos na nagkasala ka at humingi ng kapatawaran sa Kanya.
Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya’y tapat at matuwid. 1 Juan 1:9
Nais ng Diyos na lumalim ang pagkakilala at pagmamahal mo sa Kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, upang ang iyong mga iniisip, mga hangarin, at mga kilos ay maging tulad ng sa Kanya. Ang paglago sa ganitong paraan ang nagpapatunay na ikaw ay tunay na tagasunod ni Jesu-Cristo.
“Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.” Juan 14:21

Maaari mong matutunan na makilala at mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsunod sa Biblia. Tinatawag din ang Biblia bilang Salita ng Diyos, at ito ang mensahe ng Diyos para sa iyo. Ibinigay ng Diyos ang mga gabay at pangako sa lahat ng mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng Biblia.
Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga’y tunay na mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Juan 8:31-32

Bilang anak ng Diyos, may karapatan ka sa pangalan ni Jesu-Cristo na makipag-usap sa Diyos. Ang pakikipag-usap na ito ay tinatawag na panalangin. Sa pamamagitan ng pananalangin, ipinapakita mo sa Diyos na nagtitiwala ka sa Kanya at naniniwalang Siya ang humahawak ng lahat. Kapag nananalangin ka, ipahayag mo sa Diyos ang iyong pagmamahal at paggalang sa Kanya. Aminin mo ang iyong mga kasalanan at humingi ng kapatawaran. Pasalamatan mo Siya sa Kanyang patuloy na pagsama at hilinging tulungan ka Niyang mamuhay nang may pagpaparangal sa Kanya. Ipanalangin mo rin ang mga taong nahihirapan at ang iba pa upang maging tagasunod din sila ni Jesu-Cristo.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. Filipos 4:6

Magsimba upang mapakinggan ang pagtuturo ng Salita ng Diyos. Umawit ng papuri sa Diyos at ibahagi sa iba ang ginawa ni Jesu-Cristo para sa iyo. Ang mga ito ay mga paraan upang lalo ka pang lumago bilang tagasunod ni Jesu-Cristo.
Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo. Roma10:17
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang! Purihin si Yahweh! Mga Awit 150:6
Hindi nagtatapos ang kuwento ng Diyos sa pag-akyat ni Jesu-Cristo sa Langit matapos Siyang mabuhay muli. Ipinangako ng Diyos na balang araw ay babalik si Jesu-Cristo sa mundo bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon upang gapiin si Satanas at ang mga tumanggi sa Diyos, at upang maghari sa lahat ng tao at mga bansa.
Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Pahayag 19:16

Ang langit at ang lupa ay gagawing bago upang maging lubos na mabuti at upang tamasahin ng lahat ng mga anak ng Diyos dahil naniwala sila kay Jesu-Cristo upang patawarin ang kanilang kasalanan at maging matuwid sa paningin ng Diyos.
Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa … Pahayag 21:1

Sa pagkakataong ito, ang napakagandang nilikha ng Diyos ay mananatili magpakailanman! Tinutupad ng Diyos sa Kanyang mga pangako!
Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo’y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. Juan 20:31

Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga’y alalahanin, upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin. Mga Kawikaan 3:5-6
… Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” Juan 18:37


Leave a Reply